Thursday, November 6, 2008

Paano Magmahal?

Hindi ko na isusulat dito kung ano ang ibig sabihin ng salitang pagmamahal. Masyado itong maraming depinisyon at paksa. At sa tingin ko naman, alam niyo na rin kung ano ang pagmamahal dahil wala kayo dito sa mundo kung walang pagmamahal. Ang mas mahirap na parte nito ay kung paano magmahal. Paano nga ba magmahal?

Ito ay para sa taong nagmamahal at minamahal.


Nagmamahal: Kung ikaw ay nagmamahal, panindigan mo. Hindi lang sa salita pati sa gawa. Hindi lang sa gawa pati sa salita. Dahil kung hindi mo sasabihin ang nilalaman ng puso mo, baka sa bandang huli magsisi ka dahil ni isang beses hindi mo man lang nasabi. Kahit isang text, tawag o sulat man lang, ipaalam mong mahalaga siya sa'yo. Huwag kang papayag na sa loob ng isang araw hindi mo man lang nasabi at naipakita sa kanya na mahal mo siya, dahil malay mo, bukas hindi mo na siya makita. Hindi mo naman kailangan gumastos, kadalasan ang mga libreng bagay sa mundo ang pinakamagandang regalo na maibibigay mo. At dahil kung hindi mo ipapakita at puro ka lang salita, baka magsawa siya kahihintay sa'yo. Lalo kang mawawalan. Ipakita mo na nandiyan ka para sa kanya, na nandiyan ka tuwing kailangan ka niya. Simpleng pakikinig sa mga reklamo niya sa buhay, isa nang pagpapakita ng pagmamahal. Magtiwala ka sa minamahal mo.


Minamahal: Kung ikaw ay minamahal, suklian mo ng pagmamahal rin. Ibig sabihin, suklian mo ng kabutihan, respeto, pagiging totoo. Ipakita mong masaya ka dahil mahal ka niya. Dahil alam mo bang ang makita kang masaya ng nagmamahal sa'yo ay ang kasiyahan niya rin. Huwag mong balewalain ang pagmamahal na ibinibigay sa'yo. Mahirap nang maghanap ng totoong pagmamahal ngayon. Tulungan mo ang nagmamahal sa'yo na mahalin ka pa lalo. Dahil mahirap magmahal, kaakibat nito ang pagsasakripisyo. Kung kinakailangan magsakripisyo ka rin para sa kanya, gawin mo. Kung babalewalain mo ang lahat, hindi tatagal magsasawa siya. Maging totoo ka sa sarili mo dahil 'yan ang ginusto sa'yo ng nagmamahal sa'yo. Magtiwala ka sa nagmamahal sa'yo.


"Love is never tired of waiting; love is kind; love has no envy; love has no high opinion of itself, love has no pride; Love's ways are ever fair, it takes no thought for itself; it is not quickly made angry, it takes no account of evil; It takes no pleasure in wrongdoing, but has joy in what is true; Love has the power of undergoing all things, having faith in all things, hoping all things."---1 Corinthians 13:4-7

No comments: